-- Advertisements --

Tahasang ipinangtanggol ng Malacañang ang plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na paglalabas sa narco-list ng mga tatakbong kandidato sa local positions sa darating na May elections.

Reaksyon ito ng Malacañang sa panawagan ng ilang senador at mga kritiko na sa halip na ilabas ang listahan, ay sampahan na lamang ito ng kaso imbes na magsagawa ng “negative campaigning” laban sa mga kandidato.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi ganoon kadali ang pagsasampa ng kaso dahil kailangan pa nito ng documentary at testimonial evidence.

Ayon kay Sec. Panelo, ang ilalabas na narco-list ay magiging gabay ng mga botante sa pagpili ng nararapat na opisyal na mamumuno sa kanila.

Mayroon naman aniyang judicial remedy gaya ng pagsasampa ng kasong libelo o paghahain ng mosyon sa korte para maglabas ng temporary restraining order.

Inihayag pa ni Sec. Panelo na bahala na ang Philippine Drug Enforcement Agency at DILG kung itutuloy pa ba nito ang planong pagsasapubliko ng narco-list at hindi na kailangang hintayin pa ang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte.