Nakadepende umano sa Department of Justice ang paghahain ng komento o pagtutol sa plano ng kampo ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy na mag-petisyon para mailipat ito sa kustodiya ng AFP o sa ilalim ng house arrest.
Paliwanag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang DOJ kasi ang nagsampa ng kaso habang sa PNP, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nagsilbi ng warrant of arrest laban kina Quiboloy.
Matatandaan na noong Marso 4, ng kasalukuyang taon, ipinag-utos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang paghahain ng child abuse at human trafficking cases laban kay Quiboloy at 5 pa sa kaniyang associates.
Kaugnay nito, magpupulong ang PNP at DOJ ngayong Martes para talakayin ang magiging susunod na hakbang.
Una rito, sinabi ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon nitong Lunes na maghahain sila ng petisyon para hilingin na ilipat si Quiboloy sa ilalim ng kustodiya ng AFP o sa house arrest dahil umano 74 anyos na ang pastor na may health condition.
Subalit, sa panig ng Department of National Defense na may hurisdiskiyon sa AFP, mariing umano nilang tututulan ang anumang pagtatangkang ilipat si Quiboloy sa military custody dahil hindi ito ang kaukulang ahensiya na magkustodiya sa mga suspek sa criminal cases.