BACOLOD CITY – Ikinalugod ng Commission on Human Rights (CHR) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aaralan nito ang resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang umano’y extrajudicial killings (EJK) may kinalaman sa anti-drug war ng Duterte administration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, sinabi nito na dapat tingnan ng gobyerno ang resolusyon bilang pagkakataon upang linisin ang imahe ng bansa sa gitna ng akusasyon ng EJK.
Dahil dito, umaasa ang CHR na tutulong ang gobyerno at pahintulutan ang imbestigasyon.
Batay sa resolusyon, dapat na magsumite ang tanggapan ng High Commissioner ng report sa EJKs sa Pilipinas sa Hunyo taong 2020.
Ayon kay de Guia, ipinaglalaban ng gobyerno na hindi totoo ang EJKs sa bansa kaya panahon na ito upang patunayan ang naturang pahayag.
Sakaling kumontra ang gobyerno ayon kay De Guia, lalong tataas ang pagduda na tutuo na may EJKs sa Pilipinas.
Dagdag pa ng opisyal, walang dapat katakutan ang gobyerno ng Pilipinas kung wala itong tinatago.