Binigyang diin ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang plano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas ay hindi basehan para sa sedisyon at hindi pa rin niya nakikita na banta ito para sa Republika.
Sinabi ni Carpio, na tubong Davao, na maaaring seryoso si Duterte sa kanyang pahayag, ngunit “nakakatawa” aniya lamang ito dahil “imposible” umano ang dahilan ng paghihiwalay sa Mindanao.
Aniya, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), na inatasan sa ilalim ng 1987 Constitution na siguruhin ang integridad ng pambansang teritoryo, ang unang sasalungat sa bid ng dating Pangulo.
Naniniwala rin si Carpio na walang opisyal ng gobyerno sa rehiyon na walang kinikilingan at walang personal na interes ang susunod kay Duterte dahil labag ito sa Code of Conduct at maaaring magresulta sa kanilang pagkakatanggal sa serbisyo publiko.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, itinaas ni dating Pang. Duterte ang ideya na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas sa pamamagitan ng proseso batay sa pangangalap ng mga lagda.
Sinabi ni Duterte na si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez ang unang nagtulak para sa “desirability of Mindanao seceding” mula sa republika ng Pilipinas.