Iniharap ng presidente ng Land Bank of the Philippines sa gabinete kagabi ang action plan nito para palawakin pa ang pagpapautang sa sektor ng agrikultura.
Kasunod na rin ito ng pagbanat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Landbank noong kanyang ika-apat na State of the Nation Address kung saan sinabi niya na mistulang kinakaligtaan ng bangko ang mandato nilang tulungan ang mga magsasaka.
Pinangunahan ni Landbank of the Philippines President and Chief Executive Officer Cecilia Borromeo, kasama si Finance Sec. Carlos Dominguez, ang presentasyon sa gabinete.
Sinabi naman ni Pangulong Duterte na nais niyang makipag-ugnayan ang National Economic and Development Authority sa Department of Agrarian Reform para pag-aralan ang epekto ng memorandum circulars na nagpapahintulot sa mga magsasaka na gamitin ang kanilang Certificate of Land Ownership Award para makautang.