Binigyang diin ng isang grupo ng magsasaka na ang pagbaba ng presyo ng bigas sa layunin ng gobyerno na P20 kada kilo ay hindi dapat maging dahilan ng pagbaba rin ng farmgate price.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, bukas naman daw ang grupo kung sakaling maging government policy ang presyo nito ngunit umaasa sila na hindi lubhang bababa ang presyo ng bigas mula sa farmgate.
Nauna nang agpahayag ng pag-asa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matutupad pa rin ang kanyang pangako na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Kasalukuyang available ang bigas sa government Kadiwa stalls sa halagang P25 kada kilo.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) executive director Jayson Cainglet, ang presyong ito ay subsidized dahil hindi ito ang cost structure ng bigas sa kasalukuyan.
Ang price monitoring mula sa Department of Agriculture kamakailan ay nagpapakita na ang presyo ng well-milled rice sa mga pamilihan sa Metro Manila ay mula P40 hanggang P46 kada kilo.
Dagdag pa ni Cainglet, sa ngayon ay nasa P22/kilo daw ang farmgate price ng bigas na kung saan ang retail price nito ay aabot sa P42 hanggang P46 kada kilo.
Aniya, tumaas kada kilo ang halaga ng produksyon ng bigas dahil sa tumataas na halaga ng fertilizers, fuels, at logistics.
Umaasa ang grupo ng magsasaka na hindi magpapatalo ang mga economic managers sa pagpapayo sa Pangulo na magtulak ng mas maraming importasyon ng bigas para sa bansa.
Giit pa ni Cainglet na maaari lamang babaan ang retail price ng bigas kung magpapasimula ng mga interbensyon na magpapababa sa halaga ng paggawa ng palay, makabawas sa post-harvest losses at mag-alis ng mga non-productive players sa buong supply chain ng industriya ng bigas.