-- Advertisements --

ILOILO CITY – Itinuturing ng Bureau of Fire Protection (BFP) na “welcome development” ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng service firearms ang mga bumbero.

Kasunod ito sa pahayag ni Pangulong Duterte kasabay ng ika-28 founding anniversary ng BFP kung saan maliban sa service firearms, nangako rin ang Pangulo na magbibigay ng karagdagang equipment para sa nasabing ahensya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay F/Supt. Crossbee Gumowang, assistant regional director for administration ng BFP-6, sinabi nito na wala namang masama hinggil sa plano ng Pangulo.

Ayon kay Gumowang, maliban sa pagresponde at pag-imbestiga sa sunog at pagtulong sa panahon ng sakuna, ang BFP ay nagsisilbi ring supporting bureau ng AFP at PNP kung kinakailangan.

Inihayag ni Gomuwang na maaari lamang makapagdala ng baril ang bumbero kung may pahintulot mula sa Department of Interior and Local Government.

Sa kabila nito, inihayag ng opisyal na kung peace and order ang pag-uusapan, ang AFP at pulisya ang may pangunahing papel dito.