LEGAZPI CITY – Bukas na tumulong ang ilang malalapit na kaibigan ni Eddie Garcia para sa plano ng pamilya nito na iuwi sa Juban, Sorsogon, ang abo ng na-cremate na labi ng aktor.
Ayon kay Congressman Alfredo Garbin Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, makikipag-ugnayan sila sa pamilya ng malapit na kaibigan upang maihanda ang lahat ng kinakailangan sakaling matuloy ang pag-uwi ng urn nito sa hometown ni Manoy.
Hinihintay din aniya nila kung mapagbibigyan ang kahilingan na magkaroon ng Permanent Memorial Exhibit at Professorial Chair sa Bicol University si Garcia para sa pagkilala sa mga kontribusyon nito sa larangan ng sining.
Nabatid na nakatakda rin sanang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling gabi ng lamay ng 90-year-old multi-awarded actor subalit madaling araw na ito nang dumating mula sa Thailand kaya hindi na nahintay pa ng pamilya ng aktor.
Samantala, ginawaran ng military honor si Manoy kasunod ng 21 gun salute kagabi.