-- Advertisements --

Kasalukuyang pinagaaralan ng Department of Agriculture (DA) ang maaaring pagaangat sa taripa ng bigas na nananatili ngayon sa 15% tariff.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang review nito ay kada apat na buwan batay na rin sa Executive Order no. 62 na siyang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Layon din nito na ibaba sa 15% ang taripa na nasa 35% noong mga nakalipas ng taon.

Kasunod nito, nakikita din ng kalihim na posibleng magkaroon ng adjustment sa taripa ng bigas kapag ang mga presyo ng naturang produkto ay umayon na sa target price ng kasalukuyang administrasyon na P42-P45/kilo.

Aniya, maaari ito dumaan sa review at irekomenda ang full restoration na maaaring magmula sa 15%-20% o maaaring ibalik sa 35% depende sa pangangailangan nito at epekto nito sa merkado.

Samantala, para naman sa departamento, panatilihin muna sa ganitong porsyento ang taripa hanggat hindi pa naaabot ang target na presyo ng naturang produkto sa merkado.

Ito ay dahil naguumpisa na din naman na aniyang maramdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pangunahing pamilihan.

Sa ngayon ay nakikita namang epektibo ang pagtatalaga ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na bigas at kasalukuyang nasa presyuhan ng P55/kilo at inaasahang bababa pa ito pagpasok ng Marso.