-- Advertisements --

Nakaambang maapektuhan ng planong pagbuwag sa US Agency for International Development (USAID) ang P4 billion na halaga ng 5 proyekto ng Department of Education (DepEd) na pinopondohan ng USAID.

Kabilang ang proyektong tumutulong sa Kindergarten to Grade 3 students na ABC+ o Advancing Basic Education na nagbibigay ng reading materials sa mga lugar sa Bicol, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Roger Masapol, natapos ang ABC+ project noong 2024 subalit ito ay pinalawig pa mula 2025 hanggang 2026.

Maliban dito, isa pang programa na maaaring maapektuhan sa napipintong pagbuwag sa USAID ay ang Opportunity 2.0 na sumusuporta sa alternative learning systems sa Pilipinas para bigyan ng ikalawang pagkakataong makapag-aral ulit ang nasa 180,000 out-of-school youth sa 15 siyudad. Ayon sa DepEd official, nasa $37.5 million ang pondong inilaan dito ng USAID.

Isa pa sa apektado ay ang Gabay na may $2.77 million na pondo para sa mga mag-aaral na may kapansanan, ILO PH na may $5 milyong pondo na nagbibigay ng policy support para sa DepEd at ang Urban Connect na may $1.25 million na pondo na nakapokus sa gender and development.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na patuloy na maghahanap ang DepEd ng paraan para sa pagpopondo ng mga proyekto kahit na walang tulong mula sa USAID.