-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tunay ang planong pagpapatalsik ng komunistang grupo kay Pang. Rodrigo Duterte.

Ito ay batay sa mga narekober na dokumento ng militar.

Tumanggi naman idetalye ni AFP Spokesperson Col. Edgarad Arevalo sabihin kung kailan narekober ng militar ang nasabing mga dokumento.

Nabuo ng komunistang grupo ang kanilang planong pagpapatalsik sa pangulo nuong kasagsagan ng usaping pangkapayapaan.

Nilinaw naman ni Arevalo na wala silang natanggap na report gaya ng iniulat ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakikipagsabwatan ang NPA sa Catholic Church.

No comment rin ang AFP tungkol sa nasabing isyu.

Pero tiniyak ni Arevalo na credible ang nasabing banta na narekober mula sa mga sumukong miyembro ng communist New Peoples Army.

Target o deadline na ilunsad ng komunistang grupo ang kanilang balak na pagpapatalsik kay Pang. Duterte ay sa darating na buwan ng Oktubre 2018.

Hindi naman masabi ni Arevalo kung sa anong pamamaraan patalsikin ng komunistang grupo ang Pangulo.

Siniguro naman ng AFP na may tugon na sila dito, subalit tumangging idetalye kung ano ang mga nasabing dahil operational details na ang mga ito.

“We cannot take chances ano po, if its a threat not only to the liberties of our people but also the life of the president, we in the defense department has to take that seriously,” pahayag ni Arevalo.