Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na maingat silang magtatakda ng school break lalo pa’t nagkaroon na ng anim na buwang bakasyon ang mga mag-aaral dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones ang epekto ng walang klase sa mga estudyante.
“Kung i-extend natin ang bakasyon, we had nearly six months kung saan ang mga bata hindi pumapasok. Ngayon, lumalabas na ang mga resulta, pag-aaral, opinion na kung ano ang epekto sa mga bata na hindi sila pumapasok,” wika ni Briones.
“We are very careful in calibrating itong bakasyon kasi nakapagbakasyon na sila ng anim na buwan. Magdagdag naman tayo ng bakasyon,” dagdag nito.
Ayon kay Briones, kinokonsidera rin ng ng kagawaran kung makatutulong ba sa pagpapatupad ng academic ease ang tagal ng summer vacation.
“So ako nagsabi, makakatulong ba ‘yan sa academic ease? Kung ‘yan ay makakatulong…e gagawin namin,” anang kalihim.
“Remember other countries opened in June, we opened in October. Kapag sabihin mong i-extend mo ‘yung vacation, we have to balance also the impact of another series of no classes and so on, when the children are asking for academic ease,” sabi nito.
Inilahad pa ng kalihim, nakatatanggap daw siya ng feedback tungkol sa mga batang nais pa rin na kaharap nila mismo ang mga guro habang nag-aaral.
Maging ang mga guro aniya ay kinailangang mag-adjust at magturo sa ilalim ng distance learning set-up, habang ang mga magulang naman ang siyang nagtuturo sa mga bata habang nananatiling ipinagbabawal ang face-to-face classes.
Kaugnay nito, umalma naman ang ilang teachers at students group sa panukala ng DepEd na palawigin ang school year at bawasan ang summer break ng mga bata.
Sa isang pahayag, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers na masyado na raw pagod ang mga bata at mga guro dahil sa kasalukuyang set-up.
Dapat na lamang aniyang magpokus ang DepEd sa pagpapagaan ng workload ng mga estudyante at maging ng mga teachers.
Maging ang National Union of Students in the Philippines ay pumalag din sa proposal at inihayag na nakaapekto rin nang husto ang distance learning setup sa mental health ng mga mag-aaral.