-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pumalag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol sa mungkahi ng Philippine Coast Guard (PCG) na isama ang mga mangingisda sa auxiliary team na magpapatrolya sa karagatan upang mapigilan ang pagpasok ng iligal droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR Bicol, na hindi na kasama sa trabaho ng mga mangingisda ang pagpatrolya bilang bahagi ng auxiliary team ng PCG.

Wala rin daw batas na nag-oobliga sa mga mangingisda na magbantay sa karagatan upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng illegal drugs.

Giit pa ng opisyal, nariyan naman ang na Philippine Navy, PNP at PCG upang magpatrolya para matiyak ang seguridad sa isang lugar.

Maaalalang iminungkahi ang pagsama sa mga mangingisda sa pagpatrolya sa mga karagatan matapos na marekober kamakailan ang ilang bloke ng cocaine.