-- Advertisements --
comelec 2

Isinasapinal pa ng Commission on Elections (Comelec) ang planong pagsasagawa ng botohan sa mga malls para sa 2023 barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ayon kay Atty. George Erwin Garcia, kasalukuyang chairman ng Commission on Elections, ay nagkaroon na sila ng pag-aaral kaugnay dito at pinapaapruba na sa commission en banc ng ahensya.

Naniniwala si Garcia na ito ay matutuloy ngunit magkakaroon muna ng pilot testing sa piling mga malls sa Metro Manila.

Aniya, kung magiging matagumpay ang gagawing pilot testing para sa barangay and Sangguniang Kabataan elections maaaring ipagpatuloy ito sa lahat ng malls sa bansa.

Kaugnay niyan, layunin din kasi ng ahensya na magtayo ng isang special polling precint sa mga malls para sa mga marino para makaboto.

Karamihan aniya sa mga marino o seafarers sa bansa ay nagpalit na ng registration abroad sa pagaakalang sila ay makaaalis bago mag-election.

Sa kabilang banda, siguradong-sigurado si Chairman Garcia na matutuloy itong October 2023 barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Aniya nasa kalagitnaan na ang ahensya sa pag-iimprinta ng mga balota at pagtataya ng ahensya na matatapos ito sa Pebrero kung saan pinakamaaga sa kasaysayan ng pag-iimprinta ng mga balota ng ahensya.

Ang pagpaparehistro para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections ay magtatapos na sa Enero a-31.

At batay na rin sa latest data ng Comelec ang total registered voters na new registrants para sa 2023 barangay and Sangguniang Kabataan elections ay kulang-kulang 600-k, malayo pa sa target na 1.5 million na magpaparehistro na bagong botante.

Kaya naman patuloy na hinihikayat ng ahensya na magtungo na sa pinakamalapit na lugar upang makapagparehistro na at makaboto sa October 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections.