-- Advertisements --
leni duterte

Iginiit ng Malacañang na walang itinatagong anumang record ang pamahalaan kaugnay sa anti-drug war at bukas umano sa publiko.

Kaya sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi sila nababahala kung samantalahin man ni Vice President Leni Robredo ang intelligence report ng kampanya kontra iligal na droga sa iba nitong agenda.

Ayon kay Sec. Panelo, kahit pa gamitin ito ni VP Robredo bilang supplemental document sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Idinagdag pa ni Panelo, dapat ay hayaan si VP Robredo sa sarili nitong diskarte bilang drug czar at suportahan na lamang sa kung ano ang sa tingin nitong makakabuti.

Kaugnay nito, bukas rin ang Malacañang sa plano ng bise presidente na makipag-ugnayan sa United Nations (UN) at United States Embassy para sa intelligence gatherings.