KORONADAL CITY – Napigilan umano ng mga otoridad ang planong muling pambobomba sa Mindanao ng Alkhobar terrorist group sa probinsya ng North Cotabato dahil sa pagkakaaresto ng tinaguriang “planner”na bomb expert sa lungsod ng Kidapawan.
Ito ang inihayag ni Lt.Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6ID Phil. Army sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Baldomar, malaking tulong ang pagkakaaresto sa extortionist na si Ali Akbar, na isang aktibong miyembro nga Dawlah Islamiya-Hassan Group.
Dagdag pa ng opisyal, kung hindi nahuli ng mga otoridad si Akbar, posible umanong may panibagong madugong insidente sa bahagi ng Mindanao dahil sa nakuha sa posisyon nito ang dalawang mga improvised explosive device (IED) at iba pang mga IED components.
Napatunayan din na ito ay kasapi ng Alkhobar terrorist organization na Daulah Islamiyah-Hassan Group dahil sa mga text messages sa iba pang miyembro na nakuha sa kanyang cellphone.
Itinuturing din na “armed and dangerous” si Akbar kahit na may diperinsya ito sa paningin.
Kung maaalala, isa si Akbar sa itinuturong mastermind sa pangingikil sa mga bus companies sa Mindanao at responsable rin sa pagpapasabog ng IED.
Sa ngayon nagpapatuloy ang paghahanap sa pito pang mga kasamahan nito sa bisa rin ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte dahil sa mga karahasan na ginawa ng mga ito.