BUTUAN CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon sa mga otoridad upang matumbok ang grupo o indibidwal na nasa likod ng planong pamomomba sa lalawigan ng Agusan del Sur.
Ito’y matapos na matagumpay na napigil ng mga otoridad ang pamomomba sana sa bayan ng Trento, Agusan Del Sur kahapon matapos na marekober ang 3 mga bomba na itinanim sa gitna ng kalsada sa border ng Sitio Igang at Sitio Quarry sa Barangay Basa sa bayan ng Trento.
Ang tatlong mga improvised explosive devices o IEDs, ay isinilid sa mga plastic containers na nadiskubre ng isang grader driver na nagkumpuni sa kalsada kungsaan itinanim ang nasabing mga bomba.
Napag-alamang nakita ng driver ang mga wires na mula sa gitna ng daan kungsaan may mga marka ng hukay kung kaya’t kaagad niya itong ini-report sa pulisya.
Kaagad naman itong nirespondihan ng team mula sa Agusan del Sur Provincial Police Office Explosive and Ordnance Disposal unit kungsaan matagumpay na nakuha ang mga ito at ligtas na nai-dispose.