BAGUIO CITY- Binigyang linaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mungkahing isailalim sa rehabilitasyon ang City of Pines.
Sinabi niya na hindi ito maihahalintulad sa rehabilitasyon sa Isla ng Boracay dahil ang sewage system at ang re-greening ang kanyang pangunahing tututukan.
Binanggit din ng alkalde na nagkaroon sila ng inisyial na pakikipag-usap kina Environment Secretary Roy Cimatu at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año upang ipaabot ng dalawa kay Pangulong Rodrigo Duterte ang posibleng rehabilitasyon ng Baguio.
Inamin din ni Mayor Magalong na mahihirapan ito na ipasara ang lungsod sa mga turista tulad sa Boracay dahil ang Baguio City ang nagsisilbing daan ng mga turista na nagtutungo sa iba’t-ibang pasyalan sa Cordillera Administrarive Region.
Ang pinakamahalagang tututukan ng alkalde ang pagkonekta sa lahat ng kabahayan at establisyemento ng lungsod sa mga sewerage treatment plants upang maiwasan ang direktang pagtatapon ng mga dumi sa iba’t-ibang river systems o mga ilog sa lungsod ng Baguio.