KORONADAL CITY- Umabot sa mahigit 11,500 na mga fully grown marijuana plants ang nabunot ng mga otoridad sa liblib na Sitio ng Magulo, Barangay Miasong, Tupi, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni South Cotabato Provincial Director Police Col. Nathaniel Villegas sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon kay Villegas, nasa humigit kumulang P2.3M ang halaga ng illegal tanim na nabunot ng mga otoridad.
Ayon pa kay Villegas, ang pagkakatuklas sa marijuana plantation ay patunay na hindi magtatagumpay ang sinumang nagsasagawa ng kasamaan sa probinsiya.
Agad naman na sinunog ang nabunot na mga marijuana sa lugar.
Kasabay nito, siniguro ni Villegas na paiigtingin pa ng pulisya ang kampanya laban sa iligal na droga lalo na sa underground cultivators ng marijuana plants.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang tatlong mga cultivator ng marijuana plantation.