Dumarami umano ang mga players at NBA personnel ang naaalarma habang nalalapit ang pormal na pagbubukas ng bagong season dahil marami pa ring mga players ang ayaw pa ring magpabakuna.
Bukas ay magsisimula na rin ang training camp at nasa 90% umano ng mga NBA players ang bakunado na laban sa COVID-19.
Gayunman umugong ang tensiyon sa loob ng liga matapos na lumutang ang impormasyon na nasa 40 pa ang mga players na hindi pa nagpa-vaccine.
Sa ngayon kasi walang mandato na pinalalabas ang NBA na requirement ang pagsasailalim sa bakuna.
Umiiwas din ang NBA players association na pag-usapan ito sa negosasyon.
Ilang mga coach, players at staff na hindi nagpakilala ang nagpaabot umano ng kanilang pagkabahala dahil ang hindi mga bakunado na players ay baka magdulot ng peligro hindi lamang sa kanila kundi maging sa kanilang mga pamilya.
Ilan sa mga NBA superstar na lantarang inamin na ayaw nilang magpabakuna ay sina Brooklyn Nets guard Kyrie Irving, Washington Wizards star Bradley Beal at si Warriors player Andrew Wiggins.
Una nang binulabog ng basketball legend na si Kareem Abdul-Jabbar ang NBA matapos siyang manawagan na dapat palayasin sa team ang player na ayaw magpabakuna.