Sunod-sunod na lumasap ngayon nang pagkatalo ang Cleveland Cavaliers, Miami Heat, Indiana Pacers at Washington Wizards sa magkakahiwalay na laro.
Ang naturang mga teams ay pawang pasok na sa NBA playoffs na magsisimula na mahigit isang linggo mula ngayon.
Bagamat pasok na ang Heat (43-37), aminado ang beteranong si Dwayne Wade na dismayado pa rin siya nang talunin sila ng New York Knicks, 98-122.
Aniya, maganda sana na uusad sila sa playoffs na dominante ang kanilang laro para sana umangat sila sa seedings at pampataas ng morale.
Pero dahil aniya sa pagkatalo nila, wala silang magagawa kundi harapin ang tinawag niyang “Goliath team” sa Eastern Conference kung saan nangunguna ngayon ang Toronto Raptors.
Umaasa na lamang ang Heat na bago magtapos ang regular season ay makabawi pa sila sa huli nilang laban kontra Oklahoma City (6th sa Western Conference) sa Martes at versus East No. 1 Toronto sa Huwebes.
Sumandal ang Knicks sa kanilang 18 three-pointers na naipasok na pinangunahan nina Trey Burke na may 17 points at Kyle O’Quinn na nagtala ng 14 points at 14 rebounds.
Natuldukan ng Knicks (28-51) ang kanilang apat na sunod na talo.
Sa ibang games, natikman naman ng Wizards ang kanilang ika-apat na pagkatalo sa kamay ng Atlanta Hawks, 97-103.
Gumawa ng rally ang Hawks (23-57) mula sa anim na kalamangan ng Wizards sa fourth quarter kahit tanggal na ito sa playoffs.
Nasa ikawalong puwesto ang Washington (42-38) sa Eastern.
Samantala, nasilat naman ang Cavaliers ng Sixers, 130-132.
Naiposte ng Philadelphia (49-30) ang ika-13 nilang sunod na panalo habang napatibay pa ang puwesto nila sa playoff sa pamamagitan ng 49-30 kartada.
Bumida si Ben Simmons sa labanan ng triple-double nila ni LeBron James.
Umarangkada sa 27 points si Simmons, 15 rebounds at may 13 assists habang ang isa sa kanyang mentor na si James ay kumamada ng 44 big points (17-of-29 shooting), 11 assists at 11 rebounds.
Ang next game ng Cavs (49-31) ay sa Martes kontra sa Knicks na may dalawang araw na dayoff matapos ang matindi nilang mga laro nitong nakalipas na araw.
Sa kabilang dako, pormal nang hinawakan ngayon ng Raptors ang pagiging top seed sa East makaraang ilampaso ang Pacers, 73-92.
Nakaipon na kasi ang Raptors ng 57-22 para sa maitaas pa ang record ng kanilang franchise ngayong regular season.
Nagbuslo si Serge Ibaka ng kanyang season-high na 25 points samantalang tumulong si DeMar DeRozan ng 12.
Hindi naman nagpahuli si Kyle Lowry sa kanyang nine points at nine assists at si Jonas Valanciunas ay nagtapos sa 12 rebounds para sa Toronto (57-22).
May laro pa ang Raptors sa Lunes laban sa Orlando.
Sa panig naman ng Pacers (47-33) tutunguhin nito ang Charlotte.