Nakumpleto na ang ranking sa eastern conference ng NBA mula No. 1 hanggang No. 6, ilang araw bago tuluyang magsimula ang 2025 Playoffs.
Tanging ang mga mananalo na lamang sa Play-In Tournament ang hinihintay sa naturang conference upang tuluyang umusad ang playoffs.
Batay sa inilabas na ranking ng NBA, hawak ng Cleveland Cavaliers ang top spot, tangan ang 64 na panalo at 17 pagkatalo. Sumusunod sa koponan ang defending champion na Boston Celtics na mayroong 60 panalo at 21 pagkatalo.
Nasa ikatlong pwesto ang New York Knicks na sinusundan ng Indiana Pacers, Milwaukee Bucks, at pang-anim ang Detroit Pistons. Ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa Playoffs ang Pistons sa loob ng ilang taon.
Nakatakda namang maglaban-laban sa Play-In ang Orlando Magic, Atlanta Hawks, Chicago Bulls, at Miami Heat na nasa top 7 – 10. Dalawa sa kanila ang uusad sa Playoff at pupuno sa top-8 postseason picture ng eastern conference.
Sa kabilang dako, tanging ang top-3 positions pa lamang ang nakukumpleto sa western conference ng NBA.
Nangunguna dito ang Oklahoma City Thunder na may 67 panalo at 14 na pagkatalo habang sumusunod ang Houston Rockets, hawak ang 52-29 win-loss record. Hawak naman ng Los Angeles Lakers ang ikatlong pwesto (50-13).
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy kung anong koponan ang pupuno sa No. 4, No.5, No. 6, at No. 7 sa western conference dahil isang game lamang ang naghihiwalay sa kanila, batay sa kanilang win-loss record.
Tanging iisang game na rin lang ang naiiwan sa regular season, na inaasahang magiging deciding factor kung saan sa kanila ang otomatikong papasok sa Playoffs habang ang iba ay tuluyang malalaglag sa Play-In bracket.