CENTRAL MINDANAO-Todo bantay na ngayon ang militar at pulisya sa gagawin na plebesito ngayong araw sa paghahati sa Maguindanao sa dalawang probinsya.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Maguindanao Provincial Election Supervisor IV Atty. Udtog Tago nandyan na sa bawat bayan ang mga voting materials sa gagawin na plebesito.
Ang Maguindanao del Norte ay kinabibilangan ng mga bayan ng Datu Odin Sinsuat, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Parang, Buldon, Barira, Matanog, Upi, Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan, Talitay at Datu Blah Sinsuat.
Samantala ang mga lungsod ng South Upi, Datu Anggal Midtimbang, Talayan Guindulungan, Datu Saudi Ampatuan, Salibo, Datu Piang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Unsay, Shariff Aguak, Mamasapano, Rajah Buayan, Sultan Sabarongis, Shariff Saidona Mustapha, Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Buluan, Mangudadatu,Pandag, Datu Paglas, Paglat, Pagalungan, General Salipada K Pindatun, at Datu Montawal ay tatawagin na Maguindanao del Sur.
Matatandaan na ang House Bill 6413 ay unang inihain nina dating Maguindanao First District Congressman Datu Roonie Sinsuat at Second District Congressman Toto Mangudadatu.
Sinabi ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu na panahon na para mas pagtuunan ng pansin ang mga bayan sa dalawang lalawigan na hahatiin para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo kung saan isa ito sa pangunahing dahilan kung bakit niya ito sinusuportahan.
Mahigit 800,000 rehistradong botante ang magpapasya sa paghahati ng lalawigan.
“Yes or No” ang sagot sa manual voting, dagdag ni Tago.
Panawagan ni Gov Bai Mariam Sangki Mangudadatu at Tago sa mamamayan ng Maguindanao na lumabas at bomoto.