KALIBO, Aklan—Nagtapos na ngayong araw ang ika-126th plenary assembly ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP na ginanap dito sa lalawigan ng Aklan.
Inihayag ni Fr. Tudd Belandres, Parish Moderator ng St. John the Baptist Cathedral ang lubos na pasasalamat ng Diocese of Kalibo sa matagumpay at ligtas na plenary assembly ng mga Obispo at cardinal.
Ikinatuwa umano ng mga bisita ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Aklanon sa loob ng isang linggong pananatili sa bayan ng Kalibo na kanilang napili para isagawa ang mga aktibidad.
Una rito, isang makasaysayang misa ang ginanap sa Kalibo Cathedral na dinaluhan ng lahat ng Obispo sa buong Pilipinas.
Sa kanilang paglabas sa simbahan ay sumalubong sa kanila ang tradisyonal na ‘patik’ ng Ati-atihan Festival at fire works display.
Sa kabila ng pagtapos ngayong araw ng assembly, mayroon pang natitirang delibirasyon ang mga delegado at isa na rito ang kanilang pagbisita sa Pink Sisters sa Brgy. Polo, New Washington.
May ilan na rin sa kanila ang nakauwi ngayong araw habang ang iba naman ay mananatili pa hanggang bukas araw ng Martes.