Sisimulan ng talakayin sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukalang P6.352 trilyong badyet para sa 2025 ngayong araw ng Lunes, Setyembre 16.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pondong ito ay sumusuporta sa Agenda for Prosperity at Bagong Pilipinas programs ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng badyet, sinabi ni Speaker Romualdez na inaasahan na matutulungan ang mga magsasaka at mangingisda upang dumami ang kanilang produksyon at lumaki ang kanilang kita na magpaparami ng suplay ng pagkain sa bansa at magpapababa ng presyo para sa kapakinabangan ng lahat ng Pilipino.
Ayon sa lider ng Kamara, ang panukalang badyet ay magsisilbing “roadmap” sa pagpapalawig ng mga imprastraktura at suporta sa edukasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga kalsada at silid-aralan lalo na sa mga komunidad na lubhang nangangailangan nito.
Pinasalamatan ni Speaker Romualdez si House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at senior vice chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo sa pagtapos ng panukalang badyet sa oras.
Batay sa iskedyul ng deliberasyon, walong araw ang inilaan para sa debate sa plenaryo na magsisimula ng alas-10 ng umaga sa Lunes at matatapos bago ang adjournment ng sesyon sa Setyembre 25.
Magsisimula ang deliberasyon ngayong araw sa sponsorship speech ni Co, na susundan ng debate ng general principles at panukalang badyet ng Department of Finance, Department of Justice at National Economic and Development Authority, kasama ang attached agency at lumpsum na badyet ng mga ito.
Sa Martes, ang sasalang ay ang mga panukalang badyet ng Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights, kasama ang Human Rights Violations’ Memorial Commission, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Interior and Local Government, Department of Tourism, and Development of Labor and Employment, at mga attached agency ng mga ito.
Sa Miyerkoles, ang panukalang badyet ng Commission on Elections, Department of Agrarian Reform, Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, at ilan pang executive offices at state colleges and universities ang sasalang.
Sa Huwebes, sasalang sa deliberasyon ang panukalang badyet ng Department of National Defense, Department of Migrant Workers, Department of Environment and Natural Resources, at kanilang mga attached agencies, at budgetary support sa mga government corporations.
Sa Biyernes naman ang panukalang badyet ng Presidential Communications Office, Department of Science and Technology, Metro Manila Development Authority, ilan pang Executive offices at government corporations.
Mula Setyembre 23 hanggang 25, ang sasalang ay ang mga nalalabing departamento, ahensya at executive offices.
Kasama dito ang Departments of Agriculture, Health, Energy, Education, Social Welfare and development, at Transportation, Civil Service Commission at Commission on Audit.
Ang rekomendasyon ng Appropriations committee na bawasan ang badyet ng Office of the Vice President (OVP) ay sasalang sa Setyembre 23.