Kinumpirma ni Interior Sec. Eduardo Año na kasama ang pangalan ni PLt. Col. Jovie Espinido sa second batch ng drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Año, matagal nang alam ng Pangulong Duterte na kabilang si Espinido sa listahan at hinihintay na lamang ng presidente ang gagawing validation ng PNP.
Giit ng kalihim, hindi naman ito ibig sabihin na guilty ang mga nasa listahan.
Aniya, may karapatan pa rin ang mga nasabing pulis na mabigyan ng due process.
Kasama si Espenido sa 357 na mga pulis na nasa drug watchlist kaya pina-relieve sila ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa at pina-report sa tanggapan nito sa Camp Crame.
Sinabi ni Año, ipinag-utos ng Pangulong Duterte kay PNP chief na isailalim sa validation at adjudication process ang mga sangkot na pulis na nagsimula na nitong Huwebes at tatagal ng isang buwan.
Inamin naman ng kalihim na dahil sa napabilang ang pangalan ni Espenido sa drug watchlist kaya ito nasibak sa kanyang puwesto bilang deputy chief for operations ng Bacolod PNP.
Nanindigan naman ang PNP, partikular si Gamboa, na hindi nila ibubunyag ang mga pangalan ng mga umano’y narco cops.
Ayon kay PNP Spokesperson, BGen. Bernard Banac nangako kasi si PNP chief sa mga nasabing pulis na i-withhold ang kanilang mga identities habang nakabinbin ang imbestigasyon.