ILOILO CITY – Itinuturing ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Cascolan na malaking karangalan ang pagkonsidera sa kanya bilang isa sa mga napipisil na maging susunod na hepe ng pulisya.
Ito ay may kaugnayan na nalalapit na pagreretiro ni PNP chief General Oscar Albayalde sa buwan ng Nobyembre.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Cascolan, sinabi nito na hindi pa niya ikinokonsidera na siya na talaga ang susunod sa yapak ni Albayalde dahil ayaw niyang pangunahan ang PNP.
Ayon kay Cascolan, maituturing na “premature” pa ang nasabing isyu ngunit ikinatuwa nito na isa siya sa mga pinagkakatiwalaan na maging PNP chief.
Maliban kay Cascolan, kabilang rin sa mga pinagpipilian ay sina Lt. Gen. Archie Gamboa at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Una nang inihayag ni Albayalde na isa sa kanyang basehan sa pagpili ng susunod na PNP chief ay ang “seniority at performance.”
Napag-alaman na sina Gamboa at Cascolan ay magkakalse o “mistah” ni incoming Sen. Ronald Dela Rosa at ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986, samantalang si Eleazar naman ay miyembro ng Hinirang class of 1987.
Si Cascolan ay dating Deputy Director for Administration ng Police Regional Office (PRO-6).