-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ginunita ngayong araw ng Police Regional Office 11 ang ika-siyam na anibersaryo ng pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Pinangunahan ni PLt. General Michael John Dubria, acting Chief ng PNP operations, kasama ang mga pulis sa rehiyon at ang mga kaanak ng mga pulis na binawian ng buhay sa kanilang serbisyo.

Sa isinagawang aktibidad, nag-alay ito ng bulaklak sa “Bantayog sa mga Bayaning Pulis” kasama ang Regional Director ng Police Regional Office XI, PBGen. Alden Delvo, gayundin ang mga pamilya ng mga nasawing pulis sa Mamasapano, Maguindanao.

Hindi napigilan ng naiwang pamilya ang maluha habang nag-aalay ng bulaklak.

Naging emosyonal din ang mga kamag-anak nang inisa-isa itong kamustahin ni PLt. General Dubria.

Bukod sa pag-alay ng bulaklak sa monumento, nag-alay din sila ng panalangin sa mga miyembro ng pulis na nasawi.

Naalala rin ang mga pulis na namatay sa kanilang sinumpaang serbisyo lalo na ang nangyari sa Brgy. Lacson, Calinan noong nakaraang taon na binawian ng buhay matapos pagsasaksakin habang tumutugon sa tawag ng komunidad.