Nagdesisyon ang Constitutional Court ng South Korea na ibalik si Prime Minister Han Duck-soo bilang acting president matapos ibasura ang impeachment case laban sa kaniya.
Sa desisyon ng korte, 7 mula sa 8 mahistrado ang tumutol sa impeachment ni Han habang isa lang ang pumabor na ma-impeach ang opisyal.
Ayon sa 5 justices, ang impeachment motion laban kay Han ay valid subalit wala umanong sapat na basehan para patalsikin siya dahil hindi niya nilabag ang konstitusyon o ang batas ng SoKor may kinalaman sa deklarasyon ng martial law o posibleng insurrection.
Habang nagpasya naman ang 2 justices na ang impeachment motion laban kay Han na nakaupong acting president noon, ay invalid sa simula’t sapul pa lamang dahil bigong maipasa sa parliament ang mosyon matapos hindi maabot ang kailangang boto mula sa two-thirds ng mga mambabatas.
Matatandaan na si Han ang humalili sa na-impeach na Pangulo ng South Korea na si Pres. Yoon Suk-yeol dahil sa kaniyang panandalian at nabigong deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024.
Subalit wala pang 2 linggo mula ng maluklok sa pwesto ay na-impeach si Han at sinuspendi noong Disyembre 27, 2024 dahil sa kaniya umanong papel sa deklarasyon ng martial law at sa kaniyang pagtanggi sa pagtatalaga noon ng tatlo pang justices sa Constitutional Court na magpapasya sa impeachment ni Yoon, dahilan kayat inakusahan siya ng opposition ng pagharang sa impeachment trial ni Yoon na kaniyang kaalyado.