BAGUIO CITY – Malilimitahan muna sa 120 ang bilang ng mga bisita na pinayagang makadalo sa taunang Philippine Military Academy (PMA) Alumni Homecoming sa City of Pines.
Ito’y matapos makipag-ugnayan sa akademya si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isa ring PMA alumna.
Base sa inisyal na report ng PMA, magaganap ang Alumni Homecoming sa darating na Pebrero 12, Biyernes, hanggang sa Valentine’s Day, Pebrero 14.
Sa eksklusibo namang panayam ng Bombo Radyo sa alkalde, ibinahagi niya na personal niyang hiniling sa pamunuan ng PMA ang limitadong bilang ng mga dadalo bilang pagsunod sa 30% capacity ng mga gathering sa ilalim ng general community quarantine sa lungsod.
Kung maalalala, aabot sa 4,000 hanggang 5,000 ang mga alumni, kasama na rito ang mga bisita na karaniwang pumupunta sa Baguio City para sa naturang aktibidad.
Sinabi pa ni Mayor Magalong na una niyang hiniling sa akademya ang 300 na limitasyon sa mga dadalo sa Alumni Homecoming ngunit ibinaba pa nito sa 120.
Iginiit niya na “manageable” ang nasabing bilang para maobserbahan ang physical distancing at iba pang health protocols sa nalalapit na event.
Samantala, temporaryong mabubukasan ang Kennon Road sa Pebrero 12 hanggang 14 para mabigyang daan ang mga dadalo sa pagtitipon.
Nailahad sa memorandum ng Regional Disaster Risk Reduction and Management at Civil Defense na mabubuksan ang one way o ang direksyon papunta sa lungsod simula alas-6:00 ng umaga sa Biyernes hanggang 12:00 midnight ng Sabado, habang one way pababa sa mismong Araw ng mga Puso.
Limitado rin sa limang toneladang bigat ng mga sasakyan ang pinayagang daadadaan sa sikat na national road.