Nanindigan ang pinuno ng Philippine Military Academy (PMA) na hindi ito magbibitiw sa puwesto kasunod ng pagkamatay ng kadeteng si Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Una nang ipinanawagan ng ilang mga opisyal ng gobyerno ang pagbaba sa tungkulin ni PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista, kabilang na si Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Sinabi ni Panelo, kung hindi alam ni Evangelista ang mga nangyayari sa pinamumunuang institusyon, dapat magbitiw na lamang ito sa puwesto.
“If I were the boss, how can I be staying a minute longer in my office if I do not know what’s happening in my office, ‘di ba? You are the superintendent of the PMA tapos may hazing pa diyan, bakit hindi mo alam ‘yan? Bakit hindi mo ma-stop?,” wika ni Panelo.
Pero ayon kay Evangelista, hindi raw nito tatalikuran ang nagpapatuloy na mga imbestigasyon ukol sa umano’y maltreatment kay Dormitorio sa loob mismo ng akademya sa Baguio City.
Giit pa ng heneral, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang daw ang makakapagsabi sa kanya na dapat na nitong bakantehin ang kanyang puwesto.
“’Pag sinabi ng President na I am relieved, wala akong magagawa. Kaya hopeful lang ako na sana matapos muna ito kung magkakaroon man – if I have to resign, then I will resign,” tugon ni Evangelista.
“Sayang naman, tapusin na muna natin ito… nasa gitna na tayo krisis,” dagdag nito. “Kung sabi niya (Duterte) na ayaw niya sa akin, that would be the time na aalis ako. Ganun ‘yun. Hindi kami ‘yung sa civilian ba na basta-basta ka na magre-resign.”
Una nang kinumpirma ni AFP spokesperson BGen. Edgard Arevalo na na-relieve na sa puwesto ang dalawang PMA officers na may direktang responsibilidad sa pagkamatay ng kadete.
Inatasan na rin ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat.