-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang pamilya Dicang sa natanggap na balita na kabilang sa Top 10 at magna cum laude pa ng PMA (Philippine Military Academy) Masaligan Class of 2021 ang kanilang anak na si Cadet First Class Valerie Mae Vicente Dicang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Marvin Dicang, ama ng nasabing kadete, ibinahagi niya na noon pa man ay pinapangarap na ng kanilang anak ang pumasok sa PMA kaya nagsikap ito.

Matatanggap ng 22-anyos na Brigade Academic Officer ang Secretary of Defense Saber Award.

Aniya, labis na kasiyahan ang nararamdaman nila ngayon lalo’t nakagawa ng kasaysayan sa rehiyon ang kanilang anak bilang nag-iisang babaeng Igorota na magtatapos sa darating na Mayo 10.

Dagdag ng ama na malaki itong parangal hindi lamang sa kanilang pamilya ngunit pati na rin sa Cordillera.

Tubong La Trinidad sa probinsya ng Benguet si Dicang at ito ang ikalawa sa kanilang pamilya na magtatapos sa akademya kasunod ng kuya nito na PMA graduate din.

Ayon pa sa nakatatandang Dicang, ang pagkakabilang ni Valerie sa Top 10 ang simbolo ng kalakasan o katibayan ng kababaihan na mag-excel sa larangang kanilang kinabibilangan.

Kanya ring hinikayat ang mga kabataan lalo ang mga kababaihan na pumasok sa akademya dahil dito natututunan ang iba’t ibang kalakasan at aspeto upang mapagtibay ang pagserbisyo sa bayan.