Handa na para sa pagsisimula ng kanilang cadetship ang nasa 350 kadete ng PMA class of 2024 matapos ma-sertipikahan lahat na Covid-free.
Ito’y matapos makumpleto ng mga kadete ang lahat ng mga Health requirements.
Pormal na nanumpa at sumailalim sa reception rites sa Fort Del Pilar, Baguio City kahapon ang 280 kadeteng lalaki at 70 kadeteng babae.
Mahigpit na inobserbahan ng mga kadete ang mga health protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask sa reception rites, na tradisyunal na pagsubok sa mga bagong kadete.
Ayon kay PMA Superintendent, Vice Admiral Allan Ferdinand Cusi na dahil sa situasyon sa Covid 19 ay kakaiba ang reception rites sa dating nakagawian at tanging ang PMA community lang ang saksi.
Magugunitang maging sa graduation rites ng PMA class of 2020, maski mga magulang ng mga kadete ay hindi pinahintulutang dumalo sa simpleng seremonya.
Tiniyak naman ni Adm. Cusi sa mga magulang ng mga kadete na patuloy na mag-aadapt ang PMA sa mga pagbabagong nangyayari dulot ng pandemya, habang pinapanatili ang pinakamataas na antas ng pagsasanay sa mga “future leaders” ng bansa.