-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatiling COVID-19-free ang mga kadete at mga personnel ng Philippine Military Academy (PMA) mula nang ideklara ang community quarantine sa Baguio City dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Ipinagmalaki ito ni Maj. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng PMA sa panayam ng Bombo Radyo kasunod ng napabalitang pagpositibo sa COVID-19 ng 232 na mga kadete at 11 na personnel ng Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.

Aniya, ang pagiging COVID-19-free ng akademya nang matagal na panahon ay resulta ng mahigpit at maagang paghahanda ng PMA para hindi makapasok ang virus sa nasasakupan nito.

Pebrero pa lamang aniya ay isinailalim na nila sa preventive lockdown ang buong akademya at mahigpit na ipinapatupad sa mga kadete ang mga alituntunin laban sa COVID-19 infection.

Sinabi ni Tindog na bagama’t nagsisilbing proctors ang mga kadete sa nagpapatuloy na entrance examination ng libu-libong mga kabataan na gustong pumasok sa akademya, ipinapasigurado naman ng PMA na sumasailalim ang mga ito sa isolation sa barracks.

Sa pamamagitan nito aniya ay maiwasan ang close contact ng mga ito sa iba pang mga kadete at mga personnel ng akademya at mapanatili ang layunin nilang walang sinoman sa mga kadete at personnel ng akademya ang mahahawaan ng COVID-19.

Sa ngayon, nananatiling sarado sa publiko ang PMA hanggat walang paabiso mula sa mga kinakuukulan.