BAGUIO CITY – Nakahanda na ang Philippine Military Academy para sa recognition rites ng mga 357 na 4th Class cadets na gaganapin bukas sa PMA Grandstand sa Fort Del Pilar, Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay PMA Spokesperson, 1LT. Christine Mae Calima, sinabi nito na 285 na lalaki at 72 na babae ang bubuo ng Siklab-Laya Class of 2025.
Ayon pa sa kaniya, magsisilbing Guest Speaker sa aktibidad si Chief Justice Alexander Gesmundo at limitado lamang sa tatlo ang bisita ng bawat kadete.
Mahigpit namang babantayan ang obserbasyon ng minimum public heatlh standards dahil sa banta ngayon ng BA 2.12 subvariant ng Omicron.
Ito na ngayon ang kauna-unahang face to face recognition na gaganapin mula pa noong nagsimula ang pandemya noong 2020.
Lahat naman ng bisita, magulang, guardians at media na dadalo sa aktibidad ay kailangang fully vaccinated at may negative antigen test result, habang yung mga hindi nabakunaan ay kailangang magpakita ng negative RT-PCR test result.
Samantala, hinihintay pa ng PMA ang kumpirmasyon ni Presidente Rodrigo Duterte sa imbitasyong magsisilbi itong Guest of Honor sa graduation ceremony ng “Bagsik-Diwa” Class of 2022.
Una nang sinabi ni 1LT Calima na sa May 15, 2022 ang tentative date ng graduation ceremony ng mahigit 200 na kadete ng PMA.
Nakatakdang isapubliko ng PMA ang detalye ng graduation ceremony at presentasyon ng Top 10 ng graduation class sa Mayo 9 kasabay ng araw ng local at national election.
Maalalang naging pribado ang graduation ceremony ng PMA noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.