BAGUIO CITY – Muling hinihikayat ng Philippine Military Academy (PMA) ang mga kabataan na makibahagi sa entrance examination ng akademya sa Agosto.
Pangunahing iniimbita ni PMA spokesperson Cpt. Cherryl Tindog ang mga kabataang nakahandang maglingkod sa bayan.
Umaasa ang opisyal na hindi maaapektuhan ang bilang ng mga susubok sa eksaminasyon mula sa mga problemang napaharap sa akademya noong nakaraang taon kung saan, tatlong kadete ang nasawi sa loob mismo ng akademya.
Kaugnay nito ay muling iginiit ni Tindog na mariing kinokondena ng akademya ang pagmaltrato kay Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio.
Tiniyak niyang hindi na mauulit ang nangyari kay Dormitorio kaya’t walang dapat ipangamba ang mga gustong pumasok sa akademya.
Una nang sinabi ni Tindog na isinasailalim na sa court martial ang pitong kadeteng suspek sa pagmaltrato kay Dormitorio.