-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Binawian na ng buhay ang pangalawang sundalo ng Philippine Military Academy (PMA) na biktima ng pamamaril sa loob ng akademya nitng Martes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Major Cherryl Tindog, tagapagsalita ng PMA, na hindi nakayanan ni S/Sgt. Vivencio Raton ang natamong sugat habang nagpapagaling sa pagamutan kung kaya pumanaw ito kahapon.

Una rito, naiulat na “killed on-the-spot” si S/Sgt. Joefrey Turqueza sa naganap na shooting incident habang sunod na namatay ang suspek na si Air Force Airman Second Class Christopher Lim noong Miyerkules matapos ang operasyon sa kanyang panga.

Ani Tindog, nakarating na ang labi ni Lim sa Cotabato City habang ang labi nina Turqueza at Raton ay nasa PMA pa habang hinihintay nila ang desisyon ng mga pamilya ng mga ito.

Nagpaabot na rin aniya ng tulong ang pamunuan ng PMA sa mga nasawing sundalo kasabay ng pagpapahayag ng kanilang pakikiramay.

Tiniyak naman ng PMA ang pagsasagawa nila ng psycho-social intervention hindi lamang sa mga kadete kundi pati na rin sa ibang personnel ng akademya para maiwasan ang kaparehong insidente.

Sinasabing may mental health problem ang suspek kaya nagawa nito ang krimen.