BAGUIO CITY – Naniniwala ang Baguio City Police Office (BCPO) na hindi itinago ng mga medical personnel ng Philippine Military Academy (PMA) ang anumang bakas ng hazing kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio.
Sinabi ni BCPO director, Col. Allen Rae Co na hindi sila kumbinsido na itinago ng mga nasabing medical personnel ang nangyari sa namatay na kadete.
Aniya, ang paniniwala ng BCPO ay may naging lapses ang mga nasabing doktor na nag-diagnose kay Dormitorio lalo na sa nangyaring insidente noong Setyembre 17.
Sinabi niya na may mga kadeteng namagitan sa nangyaring pagpapahirap kay Dormitorio at dinala pa ito sa pagamutan.
Gayunman, inamin niya na sa kasamaang palad ay hindi accurate o tama ang naging diagnosis sa namatay na kadete.
Ayon kay Co, batay sa kanilang imbestigasyon ay wala silang nakitang ebidensya na sinubukang itago ng ospital ang nangyaring pagmaltrato dahil naging upfront o tapat ang mga medical staffers sa medical history ni Dormitorio.
Sinabi naman ni Police Regional Office-Cordillera Regional director, BGen. Israel Ephraim Dickson na posibleng mahaharap sa kasong criminal negligence sina Maj. Ofelia Biloy at Cpt. Flor Apple Apostol dahil pasok ang nagawa ng mga ito sa malpractice ng kanilang propesyon.
Maaalalang pinatawan ng preventive suspension sina Col. Cesar Candelaria, commanding officer ng PMA hospital at Apostol, attending physician ng namatay na kadete.