CAGAYAN DE ORO CITY – Hiniling ng isang mambabatas ang pagbibitiw sa puwesto ni Philippine Military Academy (PMA) Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista.
Ito’y may kaugnayan sa pagkamatay sa 20-anyos na si PMA cadet Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, sinabi nito na dismayado siya dahil hanggang ngayon hindi pa rin natitigil ang kultura ng hazing sa loob ng akademya kahit may batas na nagbabawal nito.
Dagdag pa ng mambabatas na pangungunahan niya ang gagawing legislative investigation upang managot at maparusahan ang mga upperclassmen at academy officials na mapapatunayang sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio.
Tiniyak din ni Rodriguez sa pamilya ni Darwin na mabibigyan ng hustisya ang kaniyang pagkamatay sa loob ng akademya sa Fort Del Pilar sa Baguio City.