-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) na wala nang hawak na pondo ang treasurer ng Cadets Corps dahil ang pondo para sa mga kadete ay direkta ng napupunta sa mga personal savings account.

Isa ito sa mga paraan ngayon ng PMA para maiwasan na magkaroon ng anomalya.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMA Spokesperson Lt. Col. Chamberlagne Esmino sinabi nito bawat kadete ay mayroon ng passbook at ATM cards kung saan dito na dine-deposit ang kanilang mga allowances.

Dahil sa paglustay ng nasa P15 million pondo ng cadet corps, tuluyan ng sinibak sa serbisyo si Lt Col. Hector Marana, ang dating comptroller ng PMA.

Taong 2015 restricted na si Marana dahil sa kinasasangkutan nitong anomalya.

Si Marana ay hinatulan ng makulong ng 10 taon pagkakabilanggo kung sa saan sa New Bilibid Prison nito pagsilbihan ang kaniyang sentensiya.

Inihayag naman ni Esmino na hindi apektado ang morale ng mga kadete at maging ang mga sundalo na naka destino sa PMA kaugnay sa lumabas na anomalya.

Sa katunayan ikinatuwa ng mga ito na naparusahan ang may kasalanan.

Sa kabilang dako, sinabi ni Esmino nasa P800,000.00 ang pondo na inilaan ng pamahalaan sa bawat isang kadete sa akademiya sa loob ng isang taon.

Sakop ng nasabing budget ang gastusin para sa trainings ng mga kadete, pagkain at kanilang allowances.

Sa ngayon, mayroong 1,300 cadets ang nag-aaral sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Siniguro ng opisyal na “intact” ang pondo at napupunta talaga sa mga kadete.