Tiniyak ng Philippine Navy (PN) na nakahanda ang kanilang Hukbong Pandagat kung sakali man na lumala ang magiging tensyon sa pagitan ng Chinese Coast Guards (CCG) at ng mga tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay PN Spox. for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang kanilang role ay panatilihin na ligtas ang mga mamamayang Pilipino at bantayan ang seguridad sa WPS.
Ito ay matapos na back-upan ng China si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naging pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).
Inaasahan kasi na mas magiging agresibo ang CCG sa kanilang patuloy na iligal na pananatili sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Aniya, ang mga tension ay hindi dulot ng Sandatahang Lakas ng bansa ngunit ng isang ‘foreign player’ na nais aniya na pamunuan at sakupin ang WPS.
Samantala, pagtitiyak ni Trinidad, nakahanda ang kanilang pwersa para sa kahit anong sitwasyon hindi lamang maging sa nagpapatuloy na tensyon sa katubigan ng WPS, ngunit maging sa seguridad ng bansa sa lupa man o maging sa himpapawid.