KALIBO, Aklan – Nakatakdang sampahan ng patung-patong na kaso ang anim na turista matapos na magpakita ng peke umanong swab test results ng COVID-19 upang makapasok sa isla ng Boracay.
Ayon kay PSSgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office pagkatapos makumpleto ang 14-araw na quarantine period ay sasampahan ang mga ito ng kaso dahil sa falsification of documents at paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Sa oras umano na isa man sa kanila ay magpositibo sa nakamamatay na sakit, karagdagang kaso ang isasampa sa kanila.
Nais aniya ni PCol. Esmeraldo Osia, Jr., police provincial director ng Aklan, na magsilbing leksyon ang kaso sa mga turista na masyadong minaliit ang seguridad na kanilang ipinapatupad.
Nananatili sa quarantine facility sa Aklan Training Center sa Barangay Old Buswang Kalibo, Aklan ang mga turista na kinabibilangan ng apat na babae at dalawang lalaki na pawang taga-Metro Manila.
Kusang sumuko ang mga ito sa pulisya matapos arestuhin sa hotel na tinutuluyan.
Matapos makitaan ng discrepancy sa serial number, nakipag-ugnayan agad ang Malay Police Station sa Mandaluyong City Police para i-check ang Safeguard DNA Diagnostic Center, kung saan sumailalim umano sa swab testing ang mga turista.
Dito nakumpirma na isa lamang sa anim na RT-PCR test results na kanilang ipinasuri ang authentic. Ang ibang test results ay mga photocopies at niretoke.