Kinumpirma ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ang pagkakaaresto nila sa pitong indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng online registered SIM cards.
Ito ay matapos ang ikinasang entrapment operation ng pulisya at napag-alaman na ibinibenta nito ang kanilang mga online registered SIM sa Cainta, Valenzuela, Quezon City, at Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP-ACG Director Police Major General Ronnie Cariaga, talamak kase ang bentahan sa internet kayat gumawa na sila ng aksyon para masawata ito.
Ayon naman kay PNP ACG Spokesperson Police Lieutenatn Wallen Mae Arancillo, nagkakahalaga ng P14,000 ang bentahan ng mga bulk registered SIM card.
Sa mga SIM naman na nakalink na sa mga verified accounts o E-wallets ay nagkakahalaga ng P3,500 sa kada piraso.
Nakuha sa mga suspect ang aabot sa 400 registered SIM cards.
Rason naman ng mga nahuling indibidwal na ginagawa lamang nila ito dahil sa malaking pangangailangan sa buhay .
Ang mga suspect ay binubuo ng apat na lalaki at tatlong babae.
Nahaharap na ang mga ito sa kasong paglabag sa Anti-Financing Account Scamming Act at SIM Registration Act.