Nasakote ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 8 katao sa magkahiwalay na operasyon target ang pagbebenta ng rehistradong SIM card na paglabag sa SIM Registration Law.
Sa report ng PNP-ACG ngayonh Huwebes, inaresto ng mga awtoridad ang 41 anyos na natukoy na si Nonoy noong Enero 13 sa may Pedro Gil Street, Paco, Maynila dahil sa pagbebenta ng rehistradong SIM card sa halagang P800 at ng verified e-wallet sa halagang P1,500. Nakumpiska mula sa indibidwal ang 4 na piraso ng rehistradong SIM cards.
Sa operasyon naman ng PNP-ACG field unit sa Soccsksargen, naaresto ang isang 21 anyos na ina na nagbebenta ng registered SIM card sa General Santos city noong Enero 18.
Hindi naman na ito pinangalanan bagamat ayon sa report ng pulisya, nagbebenta umano ito at nag-aadvertise ng verified e-wallet account na may kasamang SIM card sa halagang P2,000.
Nadakip naman ang 2 pang suspek sa Santa Cruz Manila noong Enero 20 matapos na i-advertise ng isa ang registered SIM card na may verified e-wallet account sa halagang P3,000. May naaresto ding 2 pa ang PNP-ACG Eastern at Quezon City Police Districts.
Sa hiwalay namang operasyon sa Lahug, Cebu City noong Jan. 15 nahuli ang 2 information technology (IT) students na nagbebenta ng 2,148 registered SIM cards sa halagang P800 bawat isa.
Kaugnay nito, nahaharap ang mga suspek sa mga kaso ng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at SIM Registraion in relation to Cybercrime Prevention Act.