-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ng forensic test ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa hi-tech at military-grade devices na narekober mula Chinese national na naaresto sa Makati city noong nakalipas na buwan.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, inaprubahan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ang cyber warrant ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Kaugnay nito, iiendorso ang aprubadong cyber warrants sa ACG para sa pagsasagawa ng forensic examination sa mga narekober na device.

Kung maalala, naaresto ng kapulisan ang suspek na si Yuhang Liu sa Finlandia corner Codornico streets sa Barangay San Isidro, Makati dahil sa gun-toting complaint.

Sinabi ng nagrereklamo na pinilit siya ni Liu na maghatid ng mga hindi pa natutukoy na communication hacking device sa tirahan ng suspek.

Ang naturang gamit umano ay ilalagay sa vital installation upang ma-hack o ma-access ang international mobile equipment identity (IMEI) ng mga mobile phone.

Samantala, sinabi rin ni Col. Fajardo na hinihintay nila ang desisyon ng korte na ilipat ang Chinese national, na kasalukuyang nakakulong sa CIDG – National Capital Region sa PNP custodial center sa Camp Crame.

Si Yuhang Liu ay nakakulong dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Access Devices Regulation Act of 1998, at grave threat.