Nasa 95 percent na ang security preparation ng Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games na magsisimula sa darating na November 30,2019.
Ito ang kinumpirma ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, lahat ng detalye sa pagbibigay seguridad ay kanilang binubusisi ng sa gayon safe and secured ang lahat ng mga delegasyon na lalahok sa SEA Games.
Aniya, may mga security escorts na idedeploy sa mga atleta at magbabantay mga billeting areas ng mga atleta at mga coaches.
Nasa mahigit 27,000 PNP personnel ang idedeploy para magbigay seguridad.
Nasa 10,000 atleta mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN o South East Asian Nations ang lalahok sa may 50 kabuuang sporting events.
Maliban sa seguridad ng mga atleta at mga lugar na pagdarusan ng mga palaro, tiniyak din ng PNP na tutulong din sila sa crowd control gayundin sa pagmamando sa daloy ng trapiko.
“Umarangkada na ang ating security preparations para sa Southeast Asian Games, simula ngayong November 30,2019, tayo po ay nasa almost 95 percent completion na sa ating security preparation ang hinihintay lamang natin dito ay of course yung mismong araw na pagdating kung saan magdaragdag pa tayo ng deployment lalong lalo na ang mga security escorts na ibibigay natin sa mga delegado na mga foreign athletes,” pahayag ni BGen. Banac