Aminado ang Philippine National Police (PNP) na noong kasagsagan ng anti-illegal drug campaign ay may mga pag-abuso o may mga kapulisan na naligaw ng landas
Pero ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, nakasuhan na at natanggal na sa serbisyo ang ilang kapulisan na ito.
Inihayag ito ni Fajardo kasunod ng alegasyon ni Lt. Col. Jovie Espenido sa isang hearing sa House quad committee na ang PNP ay isang “biggest crime group” sa Pilipinas.
Ani Fajardo, hahayaan nilang linawin ni Espenido kung ang tinutukoy lang ba nito ay noong nakaraang liderato dahil nakakadismaya umano ang kaniyang label lalo na sa kapulisan na nagtatrabaho ng tapat.
Kasunod nito, inihayag ni Fajardo na sa termino ngayon ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, wala nang paramihan ng huli sa kampanya kontra ilegal na droga para lang tumaas ang performance evaluation rating ng isang pulis.
Sisentro aniya ang kanilang kampanya sa ‘holistic approach’, hindi lang sa supply reduction ng droga kundi sa demand reduction.
Ani Fajardo, “Gone are the days na nagpapaligsahan ang mga commanders natin para maraming mahuli na drug pusher o user para lang tumaas ang kanilang performance evaluation rating.”