Pinag-iingat ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang publiko kaugnay sa mga lumalaganap na mga online scam.
Lalo na at papalapit na ang pasko at marami ang inaasahang bibili sa pamamagitan ng online
Ayon sa ACG, may ilang mga nagtitinda online na wala naman talagang aktuwal na binebenta.
Kadalasan umano sa mga pino-post ng mga scammer ang mga mahahaling item mula sa popular na brand partikular na ang mga damit at electronic device sa murang presyo.
Sa ganitong modus, pagkatapos ng inisyal na bayad, pwedeng makatanggap ng item ang maminili pero peke ang kanilang matanggap o kaya naman ay wala talagang matatanggap.
Kasama rin umano sa laganap ngayong holiday season ang online travel scam kung saan may e-mail na matatanggap ang isang indibidwal na mayroon syang “free trip” sa ibang bansa.
Dito umano ay hihingan ang biktima ng reservation fee na mas mahal pa sa market price.
Payo ng ACG, kilatisin muna ang mga alok online at huwag basta basta magpaniwala sa mga promo at binebenta.
Sakaling mabiktima, maaring magsumbong sa numerong 0905 414 6965 o kaya ay makipag ugnayan sa Facebook page ng ACG.