BACOLOD CITY – Nakaligtas ang mga pulis, sundalo at rescue team members na tinambangan ng sinasabing mga kasapi ng New People’s Army habang nagre-retrieve ng bangkay ng mag-ama na pinatay sa Santa Catalina, Negros Oriental.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, pumunta sa Sitio Tara, Brgy. San Jose ang composite team ng Santa Catalina Police Station, 705th Regional Mobile Force Battalion 7, 11th Infantry Battalion ng Philippine Army at Santa Catalina Rescue Team, alas-10:00 ng umaga nitong Biyernes.
Layunin ng mga ito na iretrieve ang bangkay ng mag-amang Marlon at Marjune Ocampo na pinatay ng armadong mga lalaki nitong Huwebes ng gabi.
Ang pamilya Ocampo ay pinasok ng armed men sa kanilang bahay kung saan binaril-patay ang ama at isang taong gulang na paslit habang sugatan naman ang misis.
Pabalik na sana sa police station ang composite team nang sila ay pinaputukan ng hindi bababa sa anim na armadong mga lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng NPA.
Ayon sa Santa Catalina Police Station, walang tinamaan sa mga pulis, sundalo at rescue team members.
Naniniwala naman ang mga ito na harassment lamang ang ginawa ng komunistang grupo.