KORONADAL CITY – Pinag-ibayo pa sa ngayon ng joint forces ng AFP at PNP ang hot pursuit operation laban sa grupo ni MILF-BIAF commander Jordan na responsable sa pananambang-patay sa 9 na mga indibidwal na pawang mga MILF-BIAF members din sa Sitio DAM, Barangay Kalumamis, Guindulungan, Maguindanao.
Ito ay matapos na ipinag-utos ni PRO-BAR Regional Director Brigadier General Arthur Cabalona ang agarang paghuli kay Kumander Jordan Mamanalintang, anak nitong si Morsid alyas Ngelong at mga kasamahan ng mga ito.
Ang nabanggit na grupo ang responsable sa pananambang-patay sa grupo ni Kumander Peges Mamasainged alyas Black Magic”, Inner Guard ng Base Command ng MILF-BIAF at mga anak nitong sina Sadam Mamasainged, Sadre Mamasainged, Johari Mamasainged, Kamaro Mamasainged, “alyasTani” at tatlong iba pa.
Sugatan din sa insidente ang tatlong kamag-anak ng mga ito na sa ngayon ay nagpapagaling pa sa ospital.
Una rito, binabaybay ng grupo ni Commander Black Magic ang naturang lugar sakay ng kulay pulang Montero at kulay itim na Ranger Ford.
Patungo sana sa Datu Saudi Ampatuan ang mga biktima para sa isang rido settlement o kanduli nang bigla silang pagbabarilin ng grupo nina Commander Jordan na residente ng nabanggit na lugar at pinsang buo ng mga biktima.
Lumabas din sa imbestigasyon ng mga otoridad ba ang naturang mga pamilya ay dati nang may alitan o ridoi sinasabing family feud.
Kabilang ang Guindulungan MPS, AFP, at Maguindanao Provincial Mobile Force Company ang kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation laban sa mga suspek.
Kaugnay nito, mariin din na kinondena ng pamilya ng nga biktima ang nangyaring pamamaslang.
Maliban dito, naka-full alert status din sa ngayon ang mga otoridad sa lugar sa posibleng retalliation ng mga kamag-anak ng mga biktima sa mga suspek lalo na at patuloy din ang pagpapatupad ng eleksiyon gun ban.